Tagalog

Pagninilay 134: Ang Tamis ng Ating Sama-samang Paggawa

Larawan mula sa Pixabay.

Bidyo

Masipag na gumagawa ang isang bubuyog araw-araw, at ang lahat ng bubuyog sa isang kolonya ay gumagawa tungo sa iisang likas na layunin. Gumagawa sila upang makalikha ng pulot. Hindi ito maliit na gawain, at kailangan ang walang-tigil na paggawa ng libu-libong bubuyog upang makalikha ng kaunting pulot. Ngunit sa huli, nagbubunga ang kanilang pagsisikap: nalilikha ang pulot at naiimbak sa bahay-pukyutan. Gayon din ang ating buhay. Tayong lahat ay tinatawag na maglingkod sa Panginoon bilang mga indibidwal, ngunit ginagawa rin natin ito sa pakikiisa sa iba. Ang mga kongregasyong relihiyoso, mga diyosesis, mga parokya, mga pamilya at mga magkakaibigan ay pawang tinatawag sa iba’t ibang paraan na maglingkod sa Panginoon bilang isang pamayanan ng pananampalataya. Kapag ginagampanan ng bawat isa ang kanyang bahagi, nagpapabunga ang Panginoon ng saganang kabutihan upang maihatid ang tamis ng Kanyang pag-ibig sa isang mundong lubhang nangangailangan (Tingnan ang Talaarawan #664).

Nakikita mo ba ang iyong sarili bilang isang “Kristiyanong nag-iisa?” O nakikita mo ang iyong sarili bilang kasapi ng pamilya ng Diyos, na naghahangad na mapagpakumbabang gampanan ang iyong bahagi upang matupad ng buong Simbahan ang kanyang misyon? Tinatawag ang Simbahan na ihatid ang matamis na pag-ibig ng ating Panginoon sa isang mundong nagugutom sa pag-ibig. Pagnilayan kung ginagampanan mo ang iyong munting bahagi. Ang bahaging iyon lamang ang iyong pananagutan. Ito ay walang iba kundi ang pagyakap sa Kalooban ng Diyos sa bawat araw at sa bawat sandali ng maghapon. Maliliit na gawa ng pag-ibig, ang araw-araw na pagpapasyang magtiwala, ang mapagpakumbabang pagpapasakop ng iyong kalooban. Matutupad mo ang iyong misyon sa buhay, at kapag ginawa mo ito, idaragdag ito ng Panginoon sa mga gawa ng lahat ng Kanyang mga anak at, sa pamamagitan ng Kanyang buong Simbahan, babaguhin Niya ang mundo at paiiralin ang Kanyang maluwalhating Kaharian.

Panginoon, kung paanong ang isang bubuyog ay lumilikha lamang ng napakakaunting pulot, gayon din ang aking mga gawa at paglilingkod sa Iyo ay nagbubunga lamang ng ipinagkaloob Mong maisakatuparan ko. Iniaalay ko sa Iyo ang aking pag-ibig at paglilingkod upang mapag-isa Mo ito sa pag-ibig at paglilingkod ng iba, at sama-samang magbunga ng masaganang Awa para sa isang mundong lubhang nangangailangan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mayo 14 – San Matias na Apostol o Pag-akyat sa Langit ng Ating Panginoon (Taon A)

Mga Panalangin para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw

Mga Santo/Kapistahan Ngayon