Tagalog

Pagninilay 40: Pagpasok sa Puso ng Ating Panginoon

Massimo Stanzione, CC0, mula sa Wikimedia Commons

Video

Ang isang butil ng alikabok o buhangin ay halos walang halaga sa karamihan ng mga pagkakataon. Walang nakakapansin sa isang butil ng alikabok o buhangin sa bakuran o maging sa sahig ng bahay. Ngunit kapag napunta sa mata ang alinman sa mga ito, agad itong napapansin. Bakit? Dahil sa pagiging sensitibo ng mata. Gayundin ang Puso ng ating Panginoon. Napapansin Niya maging ang pinakamaliit nating mga kasalanan. Madalas ay hindi natin nakikita maging ang pinakamabibigat nating kasalanan, ngunit nakikita ng ating Panginoon ang lahat. Kung nais nating pumasok sa Kanyang Puso ng Banal na Awa, dapat nating hayaang tanglawan ng mga sinag ng Kanyang Awa maging ang pinakamaliit na bahid ng kasalanan sa ating mga kaluluwa. Gagawin Niya ito nang buong kahinahunan at pagmamahal, ngunit tutulungan Niya tayong makita at maranasan ang mga epekto ng ating mga kasalanan, maging ng pinakamaliliit, kung hahayaan nating pumasok ang Kanyang Awa (Tingnan ang Talaarawan #71).

Suriin mo ang iyong kaluluwa ngayon at tanungin ang iyong sarili kung gaano mo namamalayan maging ang pinakamaliit na kasalanan. Hinahayaan mo bang magningning ang Kanyang Awa sa iyong kalooban at tanglawan ang lahat ng naroon? Magiging isang masayang pagtuklas ito kapag hinayaan mong ihayag sa iyo ni Hesus ang napakalinaw Niyang nakikita.

Panginoon, dalangin ko na puspusin ng Iyong Banal na Awa ang aking kaluluwa upang makita ko ang lahat ng nasa aking kalooban tulad ng pagkakita Mo rito. Salamat sa Iyong mahinahon at mahabaging Puso at sa pagbibigay-pansin sa pinakamaliit na detalye ng aking buhay. Salamat sa pagbibigay-pansin maging sa pinakamaliit na mga kasalanang kailangan kong mapagtagumpayan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon

Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw

Mga Santo/Kapistahan Ngayong Araw