Tagalog

Pagninilay 118: Isang Pusong Mapagmatigas

Ang Pariseo at ang Publikano ni James Tissot, mula sa Brooklyn Museum

Video

Isa sa mga pangunahing paraan ng paghadlang natin sa pagpasok ng Awa ng Diyos sa ating buhay ay ang pagmamatigas.  Partikular, kapag dahil sa ating kapalaluan ay mahigpit nating pinanghahawakan ang sarili nating opinyon at sa gayon ay hindi tayo nagiging bukas sa katotohanan, isinasara natin ang pinto sa biyaya.  Lubhang mapanganib ang kasalanang ito sapagkat ang pagmamatigas, sa mismong kahulugan nito, ay nagpapahiwatig ng kawalan ng kahandaang magsisi at magbago.  Ang taong mapagmatigas ay nananatiling sarado sa biyaya ng Diyos, araw-araw, taon-taon.  Ang tanging lunas sa pusong mapagmatigas ay ang pagpapakumbaba sa harap ng Katotohanan ng Diyos.  Ang paglapit sa Diyos nang may pusong tunay na bukas, handa at kusang-loob na baguhin ang ating mga paninindigan sa sandaling Siya ay magsalita, ang unang hakbang upang makalaya sa kasalanang ito.  Magpakumbaba sa pamamagitan ng pakikinig, pagsasantabi ng sarili mong matibay na opinyon, at pagiging bukas at handang magbago.  Maaaring mahirap ito sa simula, ngunit tunay kang magpapasalamat na ginawa mo ito (Tingnan ang Talaarawan #560).

Ano ang pinagmamatiigasan mo?  May matagal ka na bang kinikimkim na saloobin laban sa iba?  May bagay ba na tiyak na tiyak kang tama ka?  Tiyakin mong gayon din ang pananaw ng Diyos.  Sikapin mong maging bukas sa pagbabago ngayon.  Ang unang hakbang ay hilingin sa Panginoon na buksan ang iyong mga mata upang makakita. Ang ikalawang hakbang ay hayaan ang iyong sarili na makita ang ganitong pagkiling sa iyong puso.

Panginoon, alam kong mapagmatigas ako.  Nakikita ko ito sa aking kaluluwa.  Iginigiit ko ang sarili kong kalooban at tumatangging makinig sa iba dahil sa kapalaluan.  Pagkalooban Mo ako ng biyaya ng bukas na isipan upang maiwaksi ko ang aking katigasan ng ulo.  Tulungan Mo akong magpakumbaba sa harap Mo at ng iba, at tulungan Mo akong maging handa at kusang-loob na makinig sa Iyong Katotohanan.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Abril 28 – 

San Pedro Chanel, Pari at Martir

San Luis Grignion de Montfort, Pari

Mga Panalangin para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay

Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw

Mga Santo/Kapistahan Ngayon