Tagalog

Pagninilay 140: Ang Hindi Maunawaan

Si Jesus sa Bahay ni Anas, ni José de Madrazo y Agudo

Video

Sa pakikitungo mo sa iba, nararamdaman mo ba kung minsan na hindi ka nauunawaan? Maaaring ng isang malapit na kapamilya, kaibigan, katrabaho, at iba pa. Ang suliranin ay ang nilalaman ng iyong isip, puso, kalooban, layunin, at lahat ng iyong nakaraang karanasan ang gumagabay sa iyong mga kilos. At walang nakauunawa sa lahat ng ito maliban sa Diyos. Maging tayo ay hindi lubos na nakauunawa sa ating ginagawa at kung bakit natin ito ginagawa sa karamihan ng pagkakataon. Dahil dito, madaling hindi maunawaan ng iba kung sino tayo at kung ano ang nagaganap sa ating kalooban. Madali rin tayong mapagkamalan at mahusgahan pa nga ng iba. Maaaring mahirap itong tanggapin, ngunit hindi natin ito dapat hayaang bumagabag sa atin. Sa halip, ang dapat lamang nating pagtuunan ng pansin ay kung ano ang iniisip ng ating Panginoon. Ang Kanyang isip at ang Kanyang paghatol lamang ang mahalaga. At ang hindi pagkaunawa sa atin ng iba na maaari nating maranasan paminsan-minsan ay dapat nating tingnan bilang isang bagay na pinahihintulutan ng kalooban ng ating Panginoon, pangunahin upang subukin at patatagin ang ating awa sa kapwa (Tingnan ang Talaarawan #700).

May naiisip ka bang pagkakataon kamakailan na hindi ka naunawaan ng ibang tao?  Kung mayroon, sa halip na hayaan mong magalit o masaktan ka dahil dito, hayaan mong subukin nito ang lalim ng iyong maawaing puso.  Tanggapin mo nang may kagandahang-loob ang kahihiyang ito at magpasalamat sa Diyos sapagkat pinahintulutan ka Niyang makibahagi sa gayunding di-pagkaunawa at paghatol na inako Niya.  Sa ganitong paraan, pinagpapala ka sa paanyayang makibahagi sa pagpapalaganap ng Kanyang Banal na Awa.

Panginoon, pagkalooban Mo ako ng pusong maawain. Kapag hindi ako nauunawaan, tulungan Mo akong tanggapin ito bilang isang pagkakataon para sa biyaya, pagpapatawad at awa. Salamat sa pagmamahal Mo sa akin na sapat upang pahintulutan Mong tiisin ko ang ganitong pagsubok. Ipinagkakaloob ko ang aking sarili sa Iyo, mahal kong Panginoon, upang makakilos Ka sa akin at sa pamamagitan ko, at maging saksi ako sa lahat ng Iyong tiniis. Jesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena sa Espiritu Santo
Dinadasal bilang paghahanda sa Pentekostes
Biyernes, Mayo 15 – Sabado, Mayo 23

Mayo 20 – San Bernardino ng Siena, Pari

Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw

Mga Santo/Kapistahan Ngayon