Isang Babaeng Nananalangin, ni Willem de Poorter
Video
Ano ang “pag-aalinlangan?” Ang mag-alinlangan ay ang magkulang sa pananampalataya, at ang magkulang sa pananampalataya ay ang magkulang sa pagtitiwala sa ganap na paghahayag at plano ng Kalooban ng Diyos. Una sa lahat, ang pag-aalinlangang bunga ng kakulangan sa pananampalataya ay nangangahulugang hindi ka nakikinig. Kapag nag-aalinlangan tayo sa Diyos, sa Kanyang plano at sa lahat ng Kanyang inihahayag sa atin, naiiwan tayong mag-isa. Ngunit kapag tayo ay nakikinig, dumirinig, umuunawa at sumasampalataya, napapaloob tayo sa pagkalinga ng Kanyang Awa dahil sa pananampalatayang ating ipinapakita. Ang pananampalataya ay nangangahulugang alam natin nang may katiyakan ang lahat ng sinasabi at niloloob ng Diyos. Ang pananampalataya ay hindi lamang paniniwala sa isang bagay na inaasahan nating totoo, kundi ang pagkaalam at paniniwala sa lahat ng tunay na totoo (Tingnan ang Talaarawan #1101).
Nag-aalinlangan ka ba kung minsan? O mayroon kang pananampalataya? Napakahalagang pagnilayan ang tanong na ito. Magsimula sa pagtatanong sa iyong sarili: Nakikinig ba ako sa Tinig ng Diyos? Naririnig ko bang nangungusap sa akin ang Diyos, at nauunawaan ko ba ang lahat ng Kanyang sinasabi? Kung wala ang mga unang hakbang na ito, hindi posible ang pananampalataya. Maririnig lamang natin Siyang mangusap sa pamamagitan ng panalangin. At ang uri ng panalanging kailangan natin ay matatawag na “panalangin ng pagbababad.” Ang panalangin ng pagbababad ay isang uri ng panalangin kung saan hinahayaan nating mababad ang ating sarili araw-araw sa Tinig ng Diyos na naghahayag ng Kanyang banal na Kalooban. Nangungusap Siya sa atin sa buong maghapon, araw-araw. Unti-unti tayong nakikinig, nakauunawa at tumutugon. Nagbubunga ito ng kaloob na pananampalataya, at ang pananampalatayang iyon ang gagabay sa iyong buhay. Pagnilayan ang prosesong ito sa iyong buhay at panibaguhin ang iyong pangakong magsimula sa unang hakbang upang akayin ka ng Panginoon nang paisa-isang hakbang.
Mahal na Panginoon, hangad kong marinig Kang mangusap sa akin. Tulungan Mo akong buksan ang aking mga tainga upang makinig nang sa gayon ay makilala Kita at maunawaan ang Iyong ganap na Kalooban para sa aking buhay. Hangad kong Ikaw lamang ang umakay sa akin sa bawat araw at magtiwala sa banayad na paggabay ng Iyong banal na Kalooban. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Hulyo 31 – San Ignacio de Loyola, Pari—Paggunita
Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa
Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw





