Larawan mula sa Pixabay
Kapag kinukubkob ang isang hukbo, naghahanap ito ng lugar kung saan maipagtatanggol nito ang sarili. Agad itong naghahanap ng mas mataas na lugar o ng lugar na masisilungan at magbibigay ng proteksiyon. Ganito rin ang dapat mong gawin sa iyong buhay espirituwal. Kapag nararanasan mo ang mga palaso ng Masama, o kapag nagiging mabigat ang buhay para sa iyo, lalo na dahil sa iyong kasalanan, hanapin mo ang mas mataas na lugar at ang pinakadakilang kanlungan. Ang lugar na ito ay ang maawaing Puso ng ating Panginoon. Huwag kang mag-alinlangan na ang Kanyang Puso ay isang kanlungan para sa iyo. Sa loob ng Kanyang Puso, makasusumpong ka ng kaligtasan mula sa nakapapagod na pakikibaka at matutuklasan mong nasa loob ka ng isang matibay na kuta ng Awa. Ang natatanging aspetong ito ng Awa, ang pagiging isang lugar ng proteksiyon, ay dapat maunawaan at tanggapin. Hindi natin kayang tiisin ang mga hirap ng buhay nang mag-isa. Hindi natin kayang harapin ang mga pakikibaka sa buhay kung aasa lamang tayo sa sarili nating lakas at kakayahan. Walang sinumang may sapat na kakayahan upang maitaboy ang nagngangalit na kaaway. Magkubli ka sa Awa ng Diyos at ipagsasanggalang ka Niya sa lahat ng kapahamakan (Tingnan ang Talaarawan #1516).
Pagnilayan mo ang iyong pangangailangan ng proteksiyon. Kung mag-isa ka lamang sa mundong ito, hindi ka makapananatiling matatag. Wawasakin ka ng mga tukso, pag-atake, at kasamaang laganap sa mundong ito. Ngunit kung mayroon kang muog na kumukupkop sa iyo, walang makapipinsala sa iyo. Ang proteksiyong iyon ay ang Awa ng Diyos. Maglaan ka ng panahon ngayon upang isipin ang Diyos at ang Kanyang Awa bilang gayong muog. Kilalanin mo Siya bilang iyong tagapagtanggol sa lahat ng bagay at tumakbo ka patungo sa ligtas na kanlungang ito. Paliligiran ka ng Panginoon ng Kanyang biyaya at pananatilihin kang payapa sa loob ng tahanan ng Kanyang Puso.
Panginoon, kapag nadarama kong dumarating sa akin ang bigat, mga pag-atake at mga tukso ng mundo, pagkalooban Mo ako ng karunungang humanap ng kanlungan. Nawa’y tumakbo ako sa Iyo at magkubli sa Iyong maawaing Puso. Nawa’y hindi ako kailanman mag-alinlangan sa Iyong ganap na pag-iingat at lagi akong makasumpong ng kanlungan sa Iyo. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Nobyembre 10 – Paggunita kay San Leon Magno, Papa at Pantas ng Simbahan
Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa
Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw
Mga Pagninilay sa Banal na Kasulatan para sa Karaniwang Panahon




