Video
Ang pagmamahal ng isang ina ay masasabing “matindi” sapagkat handa niyang ialay ang kanyang buhay upang maprotektahan ang kanyang mga anak. Likas na kumikilos ang isang ina kapag ang kanyang anak ay nasa panganib, nasasaktan, o nangangailangan, at nalilimutan niya ang sarili niyang kapakanan upang maprotektahan ang kanyang anak. Gayundin ang Ina ng Diyos. Ikaw ay kanyang anak sa pamamagitan ng biyaya at ayon sa Kalooban ni Hesus na kanyang Anak. Kaya naman, inilalapit ka niya sa kanyang puso sa mga oras ng pangangailangan at kinukupkop ka sa kanyang balabal ng pagkalinga. Ipinagkakaloob niya ang pagmamahal na ito ng isang ina kahit hindi ka nasa panganib, dahil sa kanyang walang-maliw na pagkalinga bilang ina. Wala siyang katulad bilang tagapamagitan para sa iyo. At hindi lamang siya ang iyong ina; siya rin ang Ina ng Diyos. At bilang Ina ng Diyos, nakakamit niya mula sa kanyang Banal na Anak ang mga natatanging biyaya para sa lahat ng kanyang mga anak. Tinutugon Niya ang bawat kahilingan niya para sa iyo at hindi ka Niya kailanman pababayaan. Manatili kang malapit sa kanya, nakayakap sa kanyang mga bisig ng Awa (Tingnan ang Talaarawan #1097).
Naitalaga mo na ba ang iyong sarili sa pagmamahal, pagkalinga, at pag-iingat ng Ina ng Diyos? Kung hindi pa, bakit hindi? Ano pa ang hinihintay mo? Hindi mo ba maunawaan kung bakit dapat kang magtiwala sa kanyang maka-inang pagkalinga? Minarapat ng Diyos na lumikha ng isang espirituwal na pamilyang nagmamahalan at ipinagkatiwala Niya sa Kanyang ina ang pangangalaga sa iyo. Ang maka-inang pagkalinga ay mahalagang bahagi ng likas na kaayusan sa disenyo ng Diyos para sa sangkatauhan. Kaya makatuwiran lamang na sabihing bahagi rin ito ng Kanyang higit-sa-likas na plano para sa sangkatauhan. Lumapit sa kanya bilang iyong espirituwal na ina at magtiwalang nais ng Panginoon na ibuhos sa iyo ang saganang Awa sa pamamagitan ng kanyang pamamagitan.
Pinakamamahal na Ina, minamahal kita at ipinagkakatiwala ko ang aking sarili sa iyong maka-inang pagkalinga at pamamagitan. Sumasampalataya akong ikaw ang aking ina sa kaayusan ng biyaya at ikaw ay “napupuno ng grasya.” Ipagkaloob mo sa akin ang maka-inang Awa na nasa iyong puso habang nagtitiwala ako sa iyo. Pinakamamahal na Ina, itinatalaga ko ang aking sarili sa iyo. Ipanalangin mo ako. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Hulyo 30 – San Pedro Crisologo, Obispo at Pantas ng Simbahan—Opsiyonal na Paggunita
Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa
Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw





