Tagalog

Pagninilay 267: Katarungan o Awa?

Si Kristo na Tumatangis para sa Jerusalem, ni Ary Scheffer

Bidyo

Nararapat na pag-usapan kapwa ang Katarungan ng Diyos at ang Kanyang Awa. Hindi magkasalungat ang mga ito. Ipapataw ang Kanyang Katarungan sa mga tumatangging magsisi, gaya ng pagpapataw nito sa mga anghel na tumangging maglingkod sa Diyos. Ngunit sa ngayon, mas nararapat na sabihing Maawain ang Diyos. Sa katunayan, nais na nais ng masama na lubos tayong malipos ng kaisipang Makatarungan lamang ang Diyos at patuloy Niyang ipinapataw sa atin ang Kanyang hatol. Kapag tinanggap ang kaisipang ito, mahirap maunawaan na sa katunayan ay ipinagpapaliban ng Diyos ang pagpapataw ng Kanyang Katarungan hangga’t bukas tayo sa Kanyang Awa. Hanapin ang Kanyang Awa, manalig dito at tumakbo patungo rito. Huwag itong pag-alinlanganan kahit sandali. Alamin mong iniaalok ito ng Diyos araw at gabi at hindi Siya kailanman nagsasawang ibuhos ito sa iyo nang sagana. Kapag nakadama ka ng takot sa pagharap sa Kanyang Katarungan, ibaling mo ang iyong mga mata sa Kanyang Awa at madali mong matatalikuran ang lahat ng kasalanan habang naliligo ka sa mga sinag na nagmumula sa Kanyang Puso (Tingnan ang Talaarawan #1338).

Alin sa dalawang larawang ito ng Diyos ang mas madalas mong pagnilayan? Natatakot ka ba sa Katarungan ng Diyos? O naaaliw ka ba ng Kanyang Awa? Kapwa maaaring makatulong ang mga ito, ngunit hindi kailanman dapat isantabi ang isa alang-alang sa isa pa. Hindi natin dapat ipagpalagay na tiyak na ang Awa ng Diyos anuman ang gawin natin, at hindi rin tayo dapat labis na tumuon sa Kanyang Katarungan nang hindi kaagad inaalala ang Kanyang Awa. Pagnilayan mo ngayon ang Kanyang Awa nang higit sa anupaman at hindi mo na kailangang matakot sa Kanyang Katarungan. Hayaang maranasan ng iyong puso ang Kanyang pag-ibig at bumaling sa Kanya nang may lubos na pananalig at pagtitiwala.

Panginoon, batid kong Ikaw ay Makatarungan at ipapataw Mo sa akin ang Iyong Katarungan kung hindi ako babaling sa Iyong Awa. Kaya naman, bumabaling ako sa Iyong Awa. Hinahanap ko ito nang buong puso. Mahal Kita, Panginoon, at hangad kong lalo Ka pang mahalin. Ipagkaloob Mo sa akin ang biyayang imulat ang aking mga mata sa Iyong maningning na Puso at maging bukas sa lahat ng nais Mong ipagkaloob. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay Santa Teresa ng Lisieux – Ang Munting Bulaklak
Ikatlong Araw- Setyembre 24

Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw

Mga Santo/Kapistahan Ngayon