Tagalog

Pagninilay 300: Pagsisiwalat ng mga Lihim ng Iyong Kaluluwa

Pagdalaw, ni Domenico Ghirlandaio

Bidyo

Tunay na nakaaaliw ang magkaroon ng isang taong mapagsisiwalatan mo ng kaibuturan ng iyong kaluluwa.  Ang ganitong mapagkakatiwalaang tao ay isang malaking pagpapala kapag may ganap na pag-iingat sa iyong mga lihim, awa, at pag-unawa.  Maging ang pagsasalita tungkol sa iyong mga kasalanan nang walang pag-aatubili ay makapagdudulot ng malaking paghilom kapag ang taong pinagsasabihan natin ng mga bagay na ito ay tumutugon nang may ganap na pag-ibig at makapagkakaloob sa iyo ng Awa ng Diyos.  Tayong lahat ay nangangailangan ng ganitong mapagkakatiwalaang tao.  At sa katunayan, mayroon nga tayo!  Nariyan ang pari, na naghihintay sa atin sa maluwalhating Sakramento ng Pakikipagkasundo.  Tiyak ang kanyang pag-iingat sa iyong mga lihim, iniaalay niya ang kanyang habag at awa, at ibinubuhos ang kapatawaran at Awa ng Diyos sa pinakamalalim at pinakamadilim na mga lihim ng iyong puso.  Huwag mag-atubili at huwag ipagpaliban ang pangungumpisal.  Kailangan mo ang kaloob na ito mula sa ating Panginoon, at sa pamamagitan nito ay pagpapalain ka Niya ng saganang Awa (Tingnan ang Talaarawan #1464).

Tapat na pagnilayan ang pinakamalalim at “pinakamadilim” na kasalanan sa iyong puso. Ano ang pinakakinatatakutan mong ibunyag? Marubdob na ninanais ng Panginoon na pumasok sa kadilimang iyon at dalhin ang nakapagpapagaling na balsamo ng Kanyang liwanag at Awa. Papasukin mo Siya sa pamamagitan ng Sakramento ng Pakikipagkasundo. Walang kapantay ang kapangyarihan ng Sakramentong ito, at ito mismo ang kailangan mo upang magsimula ang iyong paghilom at mapalaya ka mula sa iyong mga pasanin. Huwag itong katakutan at huwag itong ipagpaliban. Ipahayag mo ngayon ang iyong pananampalataya sa maluwalhating Sakramentong ito, at mamamangha ka sa epekto nito sa iyong buhay.

Panginoon, bigyan Mo po ako ng lakas ng loob na ipahayag ang aking mga kasalanan sa Sakramento ng Pakikipagkasundo.  Bigyan Mo rin po ako ng karunungang maunawaan na ito ay kabilang sa Iyong pinakadakilang mga kaloob.  Sa Sakramentong ito, nararanasan ko ang Iyong Awa sa pinakaganap na paraan.  Salamat, mahal na Panginoon, sa walang katumbas na kaloob na ito.  Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Nobena kay San Judas Tadeo
Para sa mga Sitwasyon at Kasong Wala Nang Pag-asa
Maaaring dasalin anumang panahon ng taon, lalo na sa Oktubre 19–27

Ang Oktubre ay buwan ng Santo Rosaryo

Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa

Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw

Mga Santo/Kapistahan Ngayon