Ang Pagtukso kay San Antonio, ni Domenico Ghirlandaio
Totoo ang diyablo at totoo ang kanyang mga tukso. Lubos ang kanyang pagkamuhi sa iyo at hangad niya ang iyong kapahamakan. Mabuting malaman ito. Ngunit tuso rin at mapagmanipula ang diyablo, at bihira siyang magsabi sa iyo ng tahasang mga kasinungalingan sapagkat alam niyang malamang na hindi ka mahihikayat ng ganitong tukso. Sa halip, sinisikap niyang lituhin ka sa kanyang mga sinasabi, gamit ang mga bagay na may bahaging totoo at hinahaluan ang mga ito ng mga tusong kasinungalingan upang iligaw ka. Maaaring mapansin mong nagsisimula kang labis na magtuon ng isip sa kung anu-anong bagay. At maaaring mapansin mong tila may katwiran ang iyong pangangatwiran, ngunit nagsisimula kang makadama ng kalungkutan at pagkalito habang nag-iisip. Sa mga sandaling iyon, itigil ang pag-iisip at tumakbo sa Awa ng Diyos. Kapag nakababad sa Diyos ang iyong pag-iisip, napapanibago ka at gumagaan ang iyong pakiramdam. Nagsisimula kang makadama ng panibagong kagalakan at magkaroon ng malinaw na pag-unawa. Ngunit kapag nagsisimula nang manaig sa iyo ang diyablo, kabaligtarang mga epekto ang nadarama sa iyong kaluluwa. Maging mapagmatyag sa kanyang mga tusong panlilinlang at huwag pansinin ang mga ito (Tingnan ang Talaarawan 1497-1499).
Pagnilayan mo ngayon ang iyong paraan ng pag-iisip. Dito isinasagawa ng manunukso ang kanyang pinakamasamang gawain. Pagnilayan din ang iyong nararamdaman habang sinisikap mong unawain ang isang sitwasyon o iba pa. Italaga mo ang iyong sarili sa pagkilatis ng mga espiritu, lalo na sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga bunga ng iyong pag-iisip. Inaanyayahan ka ng Panginoon na tumakbo sa Kanyang Awa sa tuwing nalilito ka o naililigaw. Maging mapagmatyag sa mga sandaling ito at alaming maaaring mga tukso ito ng masama. Laging magtiwala sa Panginoon at patuloy na ipasakop ang iyong mga iniisip sa Kanyang banal na Awa.
Panginoon, lagi Mo po akong ipagsanggalang sa mga kasinungalingan at bitag ng diyablo. Sinasaway ko siya at ang kanyang mga gawa sa Iyong kabanal-banalang Ngalan at ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang lahat ng aking iniisip. Halina, ibuhos Mo ang Iyong Awa at katotohanan sa aking buhay at pawiin ang lahat ng kadiliman at kapanglawan. Mahal Kita, minamahal kong Panginoon. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Mag-subscribe sa aming YouTube channel!
Maabisuhan tungkol sa bagong nilalaman.
Higit Pang mga Pagninilay sa Banal na Awa
Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw




