Si Kristo sa Bahay ni Simon na Pariseo, ni Dieric Bouts
Isipin mong nakatuklas ka ng isang di-nauubos na bukal ng likas na yaman sa pamamagitan ng paglikha ng isang makinang ginagawang walang-hanggang enerhiya ang kaunting oksiheno lamang. Kailangan mo lamang paandarin ang makinang nilikha mo at walang tigil itong lilikha ng enerhiya. Tunay na kahanga-hangang imbensiyon iyon. Ngunit may ganito ngang umiiral sa espirituwal na antas. Ang “oksiheno” na nagpapatakbo rito ay ang ating kaabahan at kasalanan. At ang “generator” ay ang Puso ni Hesus. Ang “enerhiya” na nalilikha nito ay ang walang-hanggang Awa ng Diyos. Kung mauunawaan lamang natin ito, mapupuno ang ating daigdig ng di-masukat na kasaganaan ng mapagkukunang ito na higit sa kalikasan. Dapat nating maunawaan na binabago ng Diyos ang ating kaabahan sa buhay kapag iniaalay natin ito sa Kanya. Sa katunayan, ito ang Kanyang nag-aalab na hangarin. Nananabik ang Kanyang Puso na gawing Kanyang Awa ang iyong kaabahan upang mapuspos ng kasaganaan ang iyong sariling buhay at upang, sa pamamagitan mo, mapuspos din ng kasaganaan ang daigdig. Ibigay sa Diyos ang iyong kaabahan at kasalanan at hayaan Siyang baguhin ito nang walang hanggan (Tingnan ang Talaarawan #1273).
Ano ang pananaw mo sa sarili mong kaabahan at kasalanan? Itinatago mo ba ito, pinagtatakpan, binabalewala at nagkukunwaring hindi ito umiiral? Namumuhay ka ba na para bang wala kang kasalanan at kaabahan? Ganito ang ginagawa ng ilan, samantalang ang iba naman ay napupunta sa kabilang sukdulan: nagpapakalunod sa awa sa sarili at ipinapakita ang kanilang kaabahan sa lahat na para bang isa itong tanda ng karangalan. Wala sa dalawang paraang ito ang nakatutulong. Ang tanging nakatutulong na paraan ay ang isuko ang iyong kasalanan at lahat ng kaabahan sa Puso ni Hesus. Magagawa mo ito. Kailangan mo lamang piliing gawin ito. Gawin mo ito ngayon. Simulan mong gawin ang ganap na pagsukong ito at matutuklasan mo ang mahimalang kapangyarihan ng Puso ni Hesus na gawing Awa ang lahat.
O Puso ni Hesus, tumatakbo ako sa Iyo dala ang aking kaabahan at sakit, at isinusuko ko sa Iyo ang aking kasalanan, mahal kong Panginoon. Gawin Mo po itong Iyong Awa, upang ang kaloob na ito ay maging bukal ng walang-hanggang biyaya. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.
Setyembre 5 – Santa Madre Teresa ng Calcutta, Birhen
Higit pang mga Pagninilay sa Banal na Awa
Mga Pagninilay sa Ebanghelyo Araw-araw




